May mga panahong gusto nating takasan ang buhay at magpakalayo-layo muna. Gusto nating may mabago naman sa cycle ng pangyayaring nararanasan natin sa araw-araw pero hindi ito dumarating. Pakiramdam kasi natin ay na-stuck lang tayo sa iisang sitwasyon— nakakaumay, nakakapagod, nakakasura.
Kaya kapag nagkaroon tayo ng pagkakataong umalis sa sitwasyon na hindi tayo pinasasaya, daig natin ang sundalong nakauwi nang buhay mula sa ilang buwang pagkaipit sa giyera, bilanggong nakalaya mula sa napakaraming taong pagtira sa kulungan, OFWs na nakabalik sa sarili niyang bansa pagkatapos ng ilang taong pagkawalay sa pamilya, at taong nagising sa kasinungalingan at panloloko ng kapareha mula sa mahabang panahon ng relasyon nila. Pakiramdam natin ay para bang bumalik ang tinanggal na oxygen sa ating dibdib; nakahinga muli tayo ng normal, nalunok ang butong bumara sa lalamunan at nakuntento.
Alam mo hindi kasi natin dapat ikinukulong ang ating sarili sa isang lugar dahil lang sa kailangan at hindi dahil sa nais natin. Anuman ang gawin natin kung hindi tayo nito pinasasaya, hinding-hindi natin makukuha ang totoong satisfaction at happiness sa buhay. So, kapag hindi tayo masaya sa sitwasyon natin ngayon, iwan natin. Hanapin natin ang makapagbibigay ng kaligayahan sa atin. Dahil kahit salubungin man kaagad tayo ng pagsubok bago natin ito maabot ayos lang, ang mahalaga, sa dulo niyon siguradong naroon ang hinahanap natin.
Live. Enjoy. Be happy.

Thanks for reading. Till next time. Take care!