
Oliver ang pangalan niya. Matangkad, moreno, malinis sa pananamit, hindi masyadong gwapo, hindi rin masyadong matalino pero malakas ang sex appeal niya, lalo na kung hindi niya tinitipid ang ngiti niya. Basta, marami akong naaalala tungkol sa kanya. 4th year high school kami, 3rd year naman sila. Maliit lang ang school namin (ngayon ay napakalaki na ng improvement) kaya mabilis lang na kumalat ang tsismis sa buong campus na, ‘crush niya ako at crush ko rin daw siya’. Hmm… Well?
Para sa akin, attractive si Oliver. Crush din siya ng kaklase kong si Jessica. Pero napapansin kong sa ’kin siya madalas na tinutukso ng mga kaklase niya. Nagbigay pa sila ng hint sa pangalan din daw ng crush niya sa section namin. Patay-malisya lang ako dahil syempre hindi lang naman ako ang may ‘A’ sa pangalan sa batch namin. Totoo niyan, hindi ko matandaan kung kailan nagsimula ang paghanga ko sa kanya o kung bakit kinikilig ako sa tuwing tinutukso kami sa isa’t isa.
Sa katunayan, hindi ko ’yun pinapansin. Hindi kami nagpapansinan ’pag nagkakasalubong. Hindi kami magkakilala ng personal, totoo ’yun. Pero hindi maiwasan ang pagpapalitan namin ng pasimpleng tingin at aksidenteng mga ngiti.
Dumaan pa ’yung maraming tuksuhan, na pilit ko rin isinasantabi kasi ayokong maglaan ng anuman pakiramdam na pwedeng umusbong hangga’t pwede ko pang pigilin. Huh! As if naman nagawa ko. Guess what? Ginawa ko pa siyang inspirasyon sa isang sanaysay ko sa Filipino subject namin. Siya ang bida! At doon na ako tuluyang nabuko.
At ginawa nilang pagkakataon ’yun para bigyan kami ng privacy, sa pamamagitan ng blind date! Nagkausap kami kahit na nagkakahiyaan. Pero ang weird ng feeling. Parang walang spark. Parang hindi kami match. Parang magbarkadang nagbiruan lang kami kung mag-usap. Ang nakatutuwa ay dahil hindi pa uso noon ang dating app, smart phones, kundi unlimited calls pa lang. Nagpalitan naman kami ng phone numbers. Pero ni minsan ay hindi ako naglakas ng loob na i-text at tawagan siya. Ganoon din naman ang ginawa niya.
JS Prom namin na silang dalawa ni Jessica ang magkapares hanggang sa matapos ang okasyon. Habang pinanonood silang sweet sa isa’t isa, pakiramdam kong parang may mali sa nararamdaman ko. Pero nalaos din naman kalaunan. Ganoon siguro kung araw-araw mong nakikita ang tao, may tendency na magsasawa ka.
Balita ko, hindi rin naman naging sila ni Jessica, hanggang crush lang siya nito. Ganoon din naman ako. Torpe rin marahil siya kasi hindi naman siya nagpatuloy kahit halata naman na mayroon siyang motibo, o baka nagkamali lang ako, na sadyang hindi mutual ang feelings naming pareho.
Wala lang. Mahigit sampung taon na ang lumipas pero naalala ko ’yung sandaling pagkakakilala naming dalawa. Ipinakita kasi ni Facebook sa Suggestion nito ang mukha at pangalan niya. May anak na rin siya. At mahahalata namang masaya na rin siya.