Reseller, Kumusta?

Magdamag akong walang maayos na tulog dahil kailangan kong mag-breastfeed anytime na gigising ang anak ko. Araw-araw ’yun. Kinabukasan naman, gagayak kami papunta sa bukid para sa mga alaga naming hayop. Although malakas pa ang tatay ko sa pagtatrabaho rito kailangan pa rin naming tumulong na mag-asawa sa pagpastol ng kambing at baka, pagtatanim ng gulay at iba pa. Napag-usapan din namin na sa weekend na lang kami mag-i-stay sa bahay para naman sa ibang housechores, lalo na sa paglalaba.

Mas komportable ako rito umulan o umaraw man. Walang masyadong maingay, okay lang na gulay ang inuulam, presko ang hangin. Masarap din na humilata sa papag, malamig sa likod ang kawayan habang tumutugtog sa Bluetooth speaker ang mga kantang sumikat noong 60’s, 70’s, 80’s hanggang 90’s. Wala pang linya ng kuryente dito dahil sa kakulangan sa budget pero napapanatag ang isip ko.

Iyon lang, minsan dinadaanan ako ng lungkot kapag nandito ako. Nawawala ako sa konsentrasyon kahit sa pakikipag-chat lang sa mga nagtatanong sa ’kin related sa mga pinopost kong items sa Facebook. Sabi ko nga sa sarili ko, ‘Reseller ka, umayos ka.’

Oo, reseller ako! Reseller ng kahit anong pwedeng ibenta online. At syempre, hindi madaling maging ‘reseller’ pero dahil sa barya-barya na kita kailangan dumiskarte. Ang kaso lang, hindi pare-pareho ang mga kustomer, may straight sa pagbayad, mayroon din namang hahatiin pa ang ibabayad at next time na ang balance. Na inaabot ng ilang buwan bago ma-fully paid.

Hays!

Anim na buwan na akong reseller ng kung anu-anong produkto— gamit sa kusina, cosmetics, laruan, tools at kung ano pa mang on hand ng suppliers. Um-order din ako ng RTWs at binebenta sa mga kapit-bahay. Magpapaiwan ba naman ang mga neighbors na utang muna, bayad saka na, no way! Kahit nga sigarilyo naibenta ko na. Sarili ko na lang ang hindi pa. Kidding aside. Kasi naman nakatutuwa na nakakainis ang sitwasyon ko ngayon. Feeling nga ng iba normal lang ang buhay-probinsya, na simple lang ang lahat, na mabilis lang ang pamumuhay. Tingin ko, kung may mas mabilis pa sa kidlat, marahil ’yun ay ang pagkaubos ng pera.

Sa ibang banda, pilit kong inaaral ang maayos na pakikipag-deal, pag-alok at pagkumbinsi sa customer pero wala talaga sa nerves ko ang pagiging negosyante. Ang akin lang, basta kumikita ako ng kaunti, ayos na.

Kanina lang, hindi ko alam kung magagalit o magtatampo ako. Narinig ko na naman kasi ulit ang, ‘Walang silbi naman ’tong pagbi-business mo na ’to.’, na narinig ko na sa isa pang tao dati dahil wala raw akong napapalang maganda. Ibig nilang sabihin wala akong malaking kinikita. Pero ano ba’ng pakialam nila? Nakakalungkot lang na sapilitan kang idinidiin ng iba gayong ikaw naman ang obligado at hindi sila.

Hanggang sa ako na mismo sa sarili ko ay nagtatanong na, hanggang saan ba ako dadalhin ng ginagawa kong ’to? Gusto kong tumigil. Gusto kong magwalang-bahala at sumabay na lang sa agos. Gustong-gusto ko na rin magbalik-abroad para makapagsimula ulit. Gustong-gusto ko na talagang sumuko sa lahat. Pero hindi ba’t unfair?

5 thoughts on “Reseller, Kumusta?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s