
Mahigit isang taon na buhat nang magkasama ulit kayo. Ramdam mo dati ang pagbabago pero kampante ka pa rin na pinakitunguhan siya, feeling normal ang mga bagay kahit na ang totoo’y kabado ka. Paano kung ayaw niya sa presence mo? Marami kang tanong sa isip na sinarili mo.
Sa maraming araw na lumipas ay iniwanan ka pa rin ng mga pagkakataon na tila dala-dala mo ang pinaka-mabigat na responsibilidad sa ginawa mong desisyon, sa ikatlong pagkakataon. Pinili mo na naman kasi ulit siya. Pinaglaban. Pinatawad.
Bago ang lahat ng pangatlong pagkakataon na binigay mo, na-realize mo rin naman na ginusto mo ang ugnayan na ’to sa pagitan ninyo. Kahit alam mong may tao kang masasagasaan at masasaktan nagpatuloy ka. Kasi alam mong mahalaga pa rin siya sa buhay mo, sa pamilya ninyo. Dahilan din ang pagsasama ninyo na kung saan pumutol sa umuusbong pa lamang nilang relasyon ng ipinalit niya sa ’yo. Pinaghiwalay mo sila, pangmatagalan o pansamantala, hindi ka rito sigurado. Ginawa mo lang din naman ang ginawa niya sa ’yo. Binawi ang nararapat at pag-aari mo. Bumawi ka dahil alam mong nasa tama ka. Pero karma nga naman, no? Bumabalik sa atin ang para sa atin.
Ganunpaman, alam mong hindi ka rin dapat makampante sa sarili mo dahil hanggang ngayon ay binubuwisit ka pa rin ng ilang emosyon na wala sa dibdib mo dati. Hindi mo dapat nararamdaman ang takot, lungkot, kakulangan ng tiwala at galit at panibugho pero kinakalikot ka nila. Kinukumusta. At hanggang kailan mo sila titiisin? Pwede bang hindi mo na lang isipin?
Mapanatag ka na sana dahil mahigit isang taon na ang lumipas buhat noong magdesisyon kang maging masaya para sa sarili mo, at pamilya…