
You lit up the cigarette, then looked away. Niyaya ako niyon upang mapasunod ng tingin. At saka, heto ang gabi na nag-aanyaya rin pagmasdan. Kaya sige, sabay nating panoorin ang mga disenyo ng Diyos at tao sa harapan natin. Hindi na bale kung walang katahimikan katulad ng inaasahan ko. Normal na itong ingay ng mga sasakyan na nagsasalubong ng direksyon sa dalawang bahagi ng kalsada, at maliban sa fireworks display mula sa di-kalayuan at iba’t ibang kulay ng ilaw sa mga kabahayan at matatayog na istruktura sa kalahating bahagi ng Jordan, inaagaw rin ng pagkabog ng dibdib ko ang tahimik na pagmamasid. Nenenerbiyos ako sa presensiya mo. Kaya lumingon ako muli sa gawi mo, para lang mapangiti ng mapakla. Wala ka. Ibang klase rin kung dayain ako ng alaala, ’no?
At itong eksena na ito ang gusto kong maulit dahil ang mga ito rin ang dala-dala ko sa puso, ang namimiss ko nang todo. Sa tuwing tatayo ako sa balkonahe, sa tuwing nag-iisa ako’t gusto kong nandito ka, sa tuwing napupuno ng problema ang ulo ko na ikaw lamang ang puwedeng masandalan at mapagsabihan. Ngunit, katulad mo ang mga nakatayong buildings sa malayo na gayong naaabot ng tingin ko, ay napakalabo. Gayunpaman, umaasa akong naaalala mo rin ako.
Kahit hindi na tayo mag-usap. Kahit hindi mo na ako yakapin. Kahit hindi mo na kalmahin. Kahit hindi na tayo sabay na mag-yosi. Kahit magparamdam ka lang. Kahit idaan lang sa hangin ang presensiya mo, maramdaman ko lang na hindi ako nag-iisa ngayon. Kahit multuhin mo ako, malaman ko lang na narito ka sa kinatatayuan natin noon. Dahil na-mimiss kita. Dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na wala ka, wala ka na pala. Magparamdam ka naman, kahit ngayong gabi lang. Kahit minsan lang sa buhay ko. O kahit sana ngayon lang.