
“Binuntis mo ako pero iba ang pinakasalan mo!”
Pinatay ko ang stereo sa bahaging iyon ng linya ng paborito kong radio drama sa DZRH, sandaling nag-isip.
Sa gitna ng traffic ay bakit si Larnie ang bigla’y rumehistro sa isip ko? Na kung bakit sa dinami-rami ng taong pwede kong maalala ay siya pa itong nakikita ko sa likod ng aking mga mata? Ah, gusto kong alugin ang ulo. Ayokong ihambing ang sarili ko sa linyang iyon ng drama gayong ang totoo nama’y walang pinagkaiba ito sa sitwasyon ko. Nabuntis din naman ako ng lalaking mahal ko, pero ibang babae ang hinihintay nito sa harapan ng altar. Dapat ay masaya pa rin ako dahil malapit na tao sa akin ang mapapangasawa nito. Dapat ay masaya ako para sa kanila at hindi ganito ang nararamdaman ko— naiinggit ako.
Pinakawalan ko ang mahaba at malalim na hininga. Tila ba’y sinasakal ako ng isipin na ito. Eksaktong anim na buwan nang huli kong makita si Larnie habang ikinakasal ito sa babaeng mahal nito. Alam ko namang isang napakalaking pagkakamali ang nagawa namin noon pero kinamuhian ko pa rin siya, higit lalo ang sarili ko.
Kalauna’y nasanay na akong mag-isang itinataguyod ang sarili. Anong silbi ng tawag nila sa aking independent woman kung hindi ko magagampanan iyon, ’di ba? Sanayan lang iyan. Kailangang tanggapin ang bawat pangyayari sa buhay, trahedya man ito o nagdudulot sa atin ng ligaya. Dahil bukod sa wala tayong ibang mapagpilian, wala rin namang tutulong sa atin kundi ang ating mga sarili. Sa parte ko, hindi ko man ganoon kabilis nairaos ang sakit, paunti-unti kong ginamot ang bahaging may sugat. Hanggang sa gumaling.
Pinutol ng pag-ring ng cellphone ko ang pag-iisip. Si Michelle ang tumatawag, ang nag-iisa kong kapatid. Bago sinagot, kinonekta ko muna ang earphones.
“Mich, hi.”
“Ate, papunta ka na ba?”
Napansin kong malamig pa rin ang tono nito. Galit pa rin kaya ito? Sabagay, sino ba’ng hindi magagalit sa isang traydor? Kung marahil hindi sila magkapatid baka’y wala na siyang pag-asang mapatawad pa ni Michelle.
“On my way. Saan idaraos ang funeral?” sagot ko.
“Sa bahay. Narito na ang mga kamag-anak ni Larnie mula sa States. Ikaw na lang ang hinihintay.”
Hinihintay? Feeling VIP? Nakaramdam ako ng hiya sa sarili. Pero wala na rin naman akong magagawa. Lahat ay nagkakamali. At nagbabago.
Bihira lang din akong umuwi sa probinsiya. Six months ago sa parehong dahilan: kasal nina Larnie at Mich at upang ipaalam sa kapatid ko ang buong katotohanan sa affair namin ng noo’y fiancé nitong si Larnie. At ngayo’y babalik ako kasama ng anak niyang hindi pa man isinisilang ay naulilala na sa ama.
Rest in peace, Larnie, wika ko sa sarili.
Wakas…